About

IMG_0379

Introduction

Nagsimula ang pagbuo ng librong ito sa isang kompetisyon.

Sampung nakakatakot na istorya ang pinili namin upang pagsama-samahin at gawing anthology. Ang hindi namin inaasahan ay ang pagtanggap ng lampas isandaang maiikling kuwento matapos ang itinakdang petsa para sa mga nais na magpasa.

Ang Short Story Contest na ito ang kauna-unahang online contest na ginawa namin. Masasabi na ito ay isang experiment. Experiment para malaman kung may mga nais pa bang magsulat ng horror na genre at kung ano na ba ang kinatatakutan ng mga tao ngayon. Nagbago ba ito? O katulad pa rin ng dati na kapag sinabing horror ay tungkol sa mga multo, aswang, at iba pang kababalaghan?

Malinaw na sagot ang aming nakuha. At iyon ay: Hindi pa rin naman masyadong nabago kung ano ang kinatatakutan ng mga tao. Ang tanging nabago ay ang panahon dahil sa pagdating ng teknolohiya.

Ganunpaman, habang binabasa ang mga maiikling istorya na aming natanggap may naramdaman kami na pagbabago sa paglalahad ng isang nakakatakot na kuwento. At hinahangad namin na sana, habang binabasa ninyo ang librong ito, ay maramdaman n’yo rin ang tinutukoy namin.

– Mga Hurado ng Short Story Contest 2015

20170222_113729

Tatlong Mensahe

Bago pa man matapos ang taong 2016 ay muli naming sinubukan na bumuo ng isang kompetisyon kung saan ang mga kalahok ay gagawa ng isang maikling kuwento na nabibilang sa genre na horror. Pero ang kaibahan ay may tema ang pangalawang kompetisyon na binuo namin. Dapat ang pamagat ng kuwento ay may numero. Nais naming alamin kung kakayanin ba ng mga kalahok na lumikha ng mga numerong hindi karaniwang kinatatakutan. Ang sagot? Oo. May mga numero pa na nakakatakot bukod sa 666 at Friday the 13th.

Sa pagbuo ng ikalawang volume ng Librong Itim hindi namin inaasahan na may mga manunulat na nanaising mapabilang muli sa proyektong ito. At ang ilan sa mga manunulat na ito ay nagpatunay na posibleng ituloy pa namin ang proyektong ito sa ibang proseso. Kaya naman, sa pagtatapos ng ikalawang kompetisyon ay nagdesisyon kaming gawin nang opisyal na imprint ang Librong Itim.

Para sa mga sumali at bumili ng unang volume, nagpapasalamat kami sa inyo. Salamat sa suporta at tiwala na ibinigay ninyo sa amin. Salamat dahil bagaman nagsimula ito sa isang eksperimento ay sinubukan ninyong basahin ang mga napili naming kuwento. Muli, maraming salamat sa inyo.

– Mga Hurado ng Short Story Contest 2016