Keep Silent by Charwin Alferez

Excerpt:

Nakatayo si Gwen sa harap ng makalumang mansiyon habang namamangha sa pinagmamasdan. Malaki at kaakit-akit din ang kakaibang disenyo na matatanaw mula roon. Sa buong buhay niya, ito ang unang pagkakataon na makakapasok siya sa isang mala-palasyong bahay. Kaya naman, ang pagiging ignorante ang nag-uudyok sa kanya na tanggapin ang trabahong inalok ng kakilala ng kanyang tiyahin.

Isang walong taong bata. Ito ang naghihintay sa kanya. Sa anim na buwan na itatagal niya rito, kampante siyang magiging maayos ang pakikitungo sa panibagong aalagaan. Matagal nang nag-aalaga ng bata si Gwen, mahigit anim na taon na rin. Mula sa pagpapaligo hanggang sa pagpapatulog sanay na sanay na si Gwen. Bihasa na siyang maituturing sa ganitong gawain.

Doble ang sasahurin niya rito, hindi niya alam kung bakit. Pinili niyang hindi na mag-usisa pa, mas nauna pa siyang masilaw sa salapi imbes na magtaka.

Bahagya siyang lumapit sa gate, napansin niyang halos mabalot na ng lumot ang bawat haligi nito. Sinubukan niyang sumilip sa loob, pero wala man lang siyang nakitang nagbabantay. Walang guwardiya, walang kahit sino.

Napakunot ang noo ng dalaga, nagmasid ito sa palagid, ngunit tanging mga halaman, tuyong dahon sa lapag at ang pulang kotse lang ang nahahagip ng kanyang paningin.
“Bakit parang wala namang tao? Tama ba ang address na pinuntahan ko?” aniya na dinukot pa ang kapirasong papel kung saan nakalapat ang eksaktong address na ibinigay sa kanya. Binasa niya iyong muli, tiningnan pa sa gilid ng gate ang isang kuwadradong kahoy na nakadikit.

“Tama naman, ah.”

Kompirmado, ito nga ang hinahanap niya.

“Nasaan ang mga nakatira rito? May tao pa kaya rito o baka niloloko lang ako ng babaeng nakausap ni Tita?”

Naglaho na ang pananabik, binura ito ng kanyang kuryosidad.

Inilapag ni Gwen ang malaking bag na dala, nag-ipon muna ng hangin bago nagpakawala ng isang malakas na sigaw.

“Tao po!”

Ilang ulit niya itong ginawa, at sa wakas, isang babae ang iniluwa ng malaking pintuan ng mansiyon. Magara ang kasuotan nito, bakas ang maginhawang buhay na tinatamasa. Sa tingin ni Gwen, nasa treinta pataas na ang edad nito. Mabilis na lumapit sa kanya ang babae, sukbit sa balikat ang kulay itim na bag. Agad nitong pinagbuksan ng gate ang dalaga.

“Ikaw ba `yong mag-aalaga sa anak ko?” bungad sa kanya ng ginang na si Cora.

“Opo, ako po `yong pamangkin ni Analiza Tuason,” tugon ni Gwen.

“Magsimula ka na ngayon, ah, aalis pa kasi ako. Male-late na ako sa trabaho ko,” nagmamadaling wika ni Ginang Cora. May inilabas pa itong sobre sa bulsa saka iniabot sa dalaga.

“Iyan ang paunang bayad ko sa `yo, pasensiya ka na, hindi na kita maililibot sa buong mansiyon, basta si Cedy ay nasa room 1 lang, makikita mo naman agad iyon kapag umakyat ka sa hagdan. Ang kuwarto mo naman ay sa room 3, hija… Sorry.”…

Librong Itim Volume 4 Relayout 2018 FINAL_Page_057

Librong Itim Volume 4 is now available at Precious Pages Bookstores or you can order it at www.preciousshop.com.ph

One thought on “Keep Silent by Charwin Alferez

  1. Ito naman, maganda rin ang daloy ng kuwento. Okay naman siya kaso may hinahanap pa ako sa story. Parang nabitin ako. Nang mabasa ko ito napasabi na lang ako. ‘Hanggang doon lang iyon?’. Although nakaramdam naman ako ng horror feels sa paraan ng pagbabanta ata iyon ni Cedy na huwag raw mag-iingay. Okay rin ang ganap ng kuwento sa dulo dahil instrumento pala siya sa bahay niyon para mapatahimik ang bahay. Just read na lang po kung ano ang tinutukoy ko. Bibigya ko ito ng 4.7/5.0. Magaling! 🙂

    Like

Leave a comment