The Perfect Witness by Josephine G. De Dios

Excerpt:

Maaga pa lang, nakaayos na si Annie. Kompleto ang kanyang kasuotan sa pagpapanggap bilang tagawalis ng kalsada. Balak kasi niyang puntahan ang lugar na binanggit ng isang misteryosong texter. Ang sabi nito, “Para mahanap ang nawawala, magpunta ka sa Santa Maria. Doon sa plaza, sa palaruan ng mga bata, sa lagayan ng mga basura, maghanap ka ng ebidensiya.”

Aminado siyang hindi madali ang magtiwala sa kung sino lang, lalo’t masyadong sensitibo ang hawak niyang kaso ngayon—ang hanapin ang isang dalagang halos dalawang linggo nang nawawala. Subalit sa ilang taon na rin niyang karanasan bilang isang pulis, ang bawat impormasyong matatanggap tungkol sa isang kaso ay sadyang napakahalaga at hindi maaaring ipagsawalang-bahala.

Personal niyang kakilala ang dalagang nawawala—si Clarisse. Isa itong working student na namamasukan bilang kasambahay sa isang mansiyon sa Barangay Santa Cruz, ang lugar kung saan din siya nakatira. Nakilala niya ito nang minsang magpalinis siya ng mga kuko sa paa. Nagbahay-bahay kasi ito at nag-aalok ng pedicure-manicure services kapag maluwag sa oras.

“Pandagdag po sa kita,” sabi nito nang minsang tanungin niya.

Bitbit ang walis na sinuksukan ng mahabang kahoy, tatlong kanto ang nilagpasan ni Annie bago tuluyang pumara ng tricycle patungo sa Santa Maria. Nagtakip din siya ng mukha na parang ninja at nagsuot ng sombrero para maging perpekto ang kanyang pagpapanggap.

Dahil katabing baryo lang ng Santa Cruz ang Santa Maria, ilang minuto lang ay narating na ng dalaga ang lugar. Bumaba siya sa plaza at mabilis na nagtungo sa palaruan ng mga bata. Kahit kasisikat pa lang ng araw, mayroon na siyang nadatnang dalawang batang naglalaro sa padulasan, kasama ng isang aleng may edad na. Inumpisahan na niya ang magwalis-walis para malayang makalapit sa mga drum na basurahan. Basurahan na nang kanyang malapitan ay punong-puno pala ng mga laman. Sa tantiya niya, halos ilang linggo na iyong hindi nagagalaw.

Dali-dali niyang inilabas ang bitbit na sako saka kunwari ay dinakot ang winawalis na mga kalat. Pagkatapos, unti-unting isinalin ang mga laman ng basurahan sa nasabi ring sako. Wala siyang nakitang kakaiba sa mga basurang laman ng una’t ikalawang basurahan. Pero nang kalkalin niya ang ikatlo ay doon na siya nagulantang. Naroroon kasi ang bag ni Clarisse na naglalaman ng mga gamit sa paglilinis ng kuko. Tandang-tanda niya ang naturang bag, lalo na at personalized ito dahil may nakaburdang pangalan.

Nanginginig man, mabilis niyang isinilid sa ibang sako ang nakitang bag. Nilagyan niya ito ng mga tuyong dahon para hindi mahalata. Naghahanda na sana siya sa pag-alis nang biglang tumunog ang kanyang cell phone. At nang kanyang buksan, tumambad ang panibagong mensahe galing sa misteryosong texter— “Hindi mo pa nakukuha ang damit ng may sala. Magkalkal ka pa.”

Gumapang ang kilabot sa mga ugat ni Annie. Bigla ang paglusob ng kanyang kaba. Nagpalinga-linga siya. Nagmanman. Ibig kasing sabihi’y naririto lamang sa tabi-tabi ang posibleng nakaaalam sa totoong nangyari kay Clarisse. Habang matamang nagmamasid, muling tumunog ang kanyang cell phone. “Huwag mo na akong hanapin, hindi ako magpapakita sa `yo. Bilisan mo na!” saad ng panibagong mensahe…

Librong Itim Volume 4 Relayout 2018 FINAL_Page_131

Librong Itim Volume 4 is now available at Precious Pages Bookstores or you can order it at www.preciousshop.com.ph

One thought on “The Perfect Witness by Josephine G. De Dios

Leave a comment